COTABATO CITY – Usap usapan na ngayon ang inorganisang Kindness Station ng isang seminaryo sa Bayan ng Sultan Kudarat, lalawigan ng Maguindanao.
Ito ay tinatawag na Kindness Station na inorganisa ng Notre Dame Archdiocesan Seminary sa Barangay Rebuken ng nasabing bayan.
Sa panayam ng 93.7 Star FM Cotabato, sinabi ni Rev. Fr. Gerard Fornan ang rector ng nasabing seminaryo, na ito ay kanilang sinimulan noong linggo, Mayo 2 at gagawin ito tuwing unang linggo ng bawat buwan matapos ang banal na misa ng ika pito at kalahati ng umaga.
Layunin ng nasabing Kindness Station na tulungan ang mga kapus palad na mananampalataya , isang halimbawa ng pagyakap ng Dios sa puso ng lahat ng nangangailangan.
Matatandaan din na kada mahal na araw o Holy Week, kanila ring ginagawa ang kahalintulad na programa na may titulo na Alay Kapwa Program at nito lamang na nakaraang buwan, namahagi rin sila ng 80 na foodpacks sa mga solo ngunit kapos ding mga magulang.
Ayon din kay Fr. Fornan, sya ay namamangha na di nawawalan ng mga donors ang nasabing programa na kanilang inorganisa.
Dagdag pa ni Fr. Gerard, ito ay kanila ding ginagawa upang di magtaas ng kaninuman o kanilang pangalan o may anupamang motibo, bagkus ito ay kanilang gagawin upang itaas at maipadama ang pagmamahal ng Dios sa oras ng pandemiya sa mga mahihirap nating kababayan.