Magkasabay na humarap sa publiko sina King Charles III at ang anak na si Prince William sa mamamayang matiyagang nakapila para lamang masilayan ang lying in state ni Queen Elizabeth II sa London.
Dito ay kinausap at kinamayan ng dalawang royalty ang mamamayan kasabay ng pangungumusta sa kalagayan ng mga ito habang naghihintay sa nasabing pila.
“Hip hip hooray” at “God save the King” naman ang sigaw ng ilang indibidwal na nakikiramay sa pagdaan ni King Charles sa hanay nila.
Batay sa queue tracker ng pamahalaan, 14 na oras nang naghihintay sa paligid ng Westminster Hall ang mamamayang nais makiramay at magbigay pugay sa huling pagkakataon sa yumaong reyna.
Samantala, bukod dito ay bumisita rin ni King Charles III sa Metropolitan Police headquarters sa Lambeth borough ng London upang magpaabot naman ng pasasalamat sa buong hanay ng kapulisan at emergency services official na kabilang sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga aktibidad mula pa noong araw na namayapa si Queen Elizabeth II.
Habang sinabi naman ni Deputy Assistant Commissioner Stuart Cundy na ang gaganaping state funeral ni Queen Elizabeth II bukas ay ang pinakamalaking single police event na isasagawa ng Metropolitan Police force ng London.