-- Advertisements --

Nag-alok ng P20 milyon na reward ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kung sino ang makakapagbigay ng impormasyon sa nagbigay ng donasyon na P10-M sa gobyerno bilang pabuya sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon , abogado ni Quiboloy, na nais ng KOJC na malaman kung sino ang nasa likod ng pagbibigay ng P10-M kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Dagdag pa nito na iligal umano ang pagtanggap ng pera mula sa pribadong tao na nasa ilalim ng Republic Act 6713 section 70 kung saan malinaw na ipinagbabawal ang pagtanggap ng mga public officials ng anumang pera mula sa pribadong tao.

Nais din ng KOJC na malaman kung sino ang nasa likod ng pagbuo ng assasination team na siyang papatay umano kay Quiboloy.

Ang nasabing halaga ay mula sa iba’t-ibang miyembro nila sa buong mundo.

Magugunitang noong Hulyo 8 ng ianunsiyo ng DILG na mayroong alok na P10-M na pabuya sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Quiboloy at tig-P1-M sa mga co-accused nito.