-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Tinatamasa na ngayon ng mga residente at OFW sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang mas pinaluwag na health protocols dahil sa biglaang pagbaba ng naitatalang kaso ng COVID 19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kayJobel Tingle, OFW sa KSA, sinabi niya na sa ngayon ay patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa naturang bansa kung saan noong mga nakaraang araw ay naglalaro lamang sa halos dalawang daang kaso ang naitala bawat araw.

Aniya ang downtrend ng COVID sa Saudi Arabia ay nagsimula noong buwan ng Setyembre kung saan karamihan sa mga residente at OFW sa naturang bansa ay nakatanggap na ng 2nd dose ng COVID-19 vaccines.

Batay sa kanyang pagtala nasa 90% hanggang 92% bahagdan na ng mga Pilipino sa naturang bansa ang fully vaccinated.

Dahil dito, tuluyan nang niluwagan ng Saudi Arabian Government ang mga ipinapatupad na restriction tulad ng hindi na pagsusuot ng face mask sa mga open area at pinapayagan na rin ang pagsasagawa ng social gathering tulad ng mga palaro o sporting events.

Ang pagluluwag ng mga restriction ay para sa lahat bakunado man o hindi kaya malaya na ang mga tao roon mula sa covid-19 restrictions.

Aniya ang tinatamasang kalayaan mula sa covid 19 restriction ng mga residente ng Saudi Arabia ay dahil na rin sa mahigpit na panuntunan ng bansa may kaugnayan sa pagbabakuna kung saan ginawang mandatory ang pagpapaturok ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Ginoong Tingle sa kasagsagan ng vaccination rollout sa naturang bansa ay required o mandatory ang pagpapabakuna dahil pinapatawan ng restrictions ang mga indibiduwal na walang bakuna, halimbawa rito ang pagbabawal sa mga hindi bakunado na gumamit ng public transportation ,bawal rin silang pumasok sa mga mall gayundin sa kanilang mga trabaho.

Maliban sa mahigpit na panuntunan sa pagbabakuna ay ang mataas na multang ipinapataw sa mga lumalabag sa health protocols kung saan ang mga nahuhuling lumalabag ay pinagbabayad ng one thousand riyal o katumbas ng labing apat na libong piso.

Dahil dito marami ang napilitang magpabakuna na nagresulta sa mabilis at biglaang pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay dahil kaunti na lamang ang nahahawaan ng naturang virus maliban pa sa mabilis na vaccination rollout.