Tikom ang bibig sa ngayon ng Sacramento Kings sa isyung sexual assault na kinasasangkutan ng bago nilang head coach na si Luke Walton.
Ang nasabing kaso ay isinampa ng sports reporter na si Kelli Tennant, na nangyari daw bago italaga si Walton bilang head coach ng Los Angeles Lakers noong 2016.
Sa pahayag ng Kings, sa kasalukuyan ay nangangalap pa raw sila ng karagdagang mga impormasyon hinggil sa isyu.
“We are aware of the report and are gathering additional information,” saad sa pahayag. “We have no further comment at this time.”
Hindi naman nagbigay pa ng komento ang Lakers dahil wala na si Walton sa kanilang panig.
“At no time before or during his employment here was this allegation reported to the Lakers,” pahayag ng Lakers. “If it had been, we would have immediately commenced an investigation and notified the NBA. Since Luke Walton is now under contract to another team, we will have no further comment.”
Una rito, batay sa lawsuit ni Tennant, pinuntahan nito si Walton sa kanyang hotel room noong 2016 upang talakayin sana ang pagsulat ng coach sa foreword ng libro na kanyang tinatapos.
Ngunit inihiga na lamang daw siya sa kama at puwersahan umano itong hinalikan at hinipuan ni Walton.
Nang tumigil na raw si Walton at paalis na raw sana siya ng kuwarto, sinunggaban umano ito ulit at hinalikan ang kanyang tenga at leeg.
Sinabi rin ni Tennant na bagama’t may mga pinagsabihan daw ito tungkol sa naging kanyang karanasan, hindi raw ito naghain ng kaso laban sa coach.
Nagpatuloy din aniya ang pangha-harass sa kanya ni Walton matapos ito maging Lakers coach, at habang nagtatrabaho ito bilang broadcaster sa Los Angeles.