Binuksan ng Pilipinas at Vietnam sa makapigil-hiningang rally ang Set 1 ng kanilang laban sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games Women’s volleyball tournament.
Halos hindi bumaba ang bola hanggang sa makapuntos ang host team sa pamamagitan ng spike ng outside hitter na si Frances Molina.
Dikit ang laban sa palitan ng puntos ng dalawang team, hanggang isara ng block point ni Majoy Baron ang unang set: 25 – 21 lamang ang Pilipinas.
Tuloy-tuloy sa pag-arangkada ang women’s team pagpasok ng 2nd set pero nakuha naman ng Vietnam ang momentum sa gitna ng laban.
Nadiskaril ang pag-puntos ng bansa sa sunod-sunod na error at nakuha ng Vietnam ang kanilang unang match point: 24 – 20.
Sinubukan pang humabol ng puntos nina Jovelyn Gonzaga at Alyssa Valdez pero nagtapos sa tulakan sa ibabaw ng net ang ikalawang set, panalo ang Vietnam: 25 – 23.
Hindi na naawat ang dayuhang koponan at kinuha na rin ang third set ng laban.
Agad namang bumawi ang Pilipinas sa 4th set kaya extended hanggang 5th set ang game.
Nagbukas ang huling set sa 2-0 lead ng Vietnam, na agad namang sinagot ng back to back scores nina Valdez at Baron.
Pero tuluyan na ring lumayo ang kalabang team sa pangunguna ng kanilang team captain at nagbabalik national team na si Thi Thanh Thuy Tran.
Natuldukan ang laban sa final scores na: 21-25, 25-23, 25-19, 20-25, 15-8 dehado ang Pilipinas.
Bagamat nadungisan ang tsansa ng koponan sa podium finish, tiwala si team head coach Shaq Delos Santos sa kakayahan ng kanyang players.
“I think meron kaming naging magandang performance pero na-short at di maganda result,” ani Delos Santos.
Para naman kay Valdez at team captain Abigail Maraño, magsisilbing aral ang pagkatalo para ma-motivate sa susunod na laban kontra defending champion na Team Thailand.
“Sayang kasi nakita ko yung effort ng team. Isa ito sa mga aral na dadalhin namin para mag-improve pa kami, ma-motivate at ma-inspire para sa mga susunod na laban,” ani Maraño.
“Kinulang, kinapos kami sa dulo. We had a good fight in the first set to the fourth, but I guess experience played a bigger role in the 5th set,” ani Valdez na nagpasok ng 22 points sa laban.
Bukod sa Batangas-native, tumira din ng 12-points si Gonzaga sa spike.
Block points naman ang ipinasok nina Baron at Maddie Madayag.