BACOLOD CITY – Ipinagpasalamat pa rin na walang nasugatang mga estudyante matapos na bumigay ang kisame ng isang classroom sa lungsod ng Bacolod.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo, kahapon lang nadiskubre na bumigay ang kisame ng isang classroom sa 3rd floor ng Building C ng Domingo Lacson National High School sa Barangay Banago.
Naniniwala ang ilang guro na Martes pa nahulog ang kisame ngunit kahapon lang natuklasan dahil walang pasok ang mga estudyante noong Hunyo 18 dahil local holiday sa Bacolod kasabay ng Charter Day.
Pumunta sa paaralan ang division engineer ng Department of Education Division of Bacolod City na si Jan Olvido at natuklasang may napansin na ang mga guro na crack sa kisame noong nakaraang mga araw.
Napansin din nito na kulang ang metal hanger dito kaya bumigay ang kisame ng classroom.
Ang silid-aralan ay ginagamit para sa English class kaya’t minabuti muna ng mga guro na lumipat sa kabilang classroom.