-- Advertisements --

Nakapagtala ng all-time high na mahigit P760 billion na kita sa turismo mula sa international visitors noong 2024 ayon sa Department of Tourism Secretary Christina Frasco.

Nagpapakita aniya ito ng mahigit 9% na pagtaas mula sa 2023 visitor revenues at 126% recovery mula sa 600 billion receipts noong 2019 o bago tumama ang pandemiya na isa sa mga nakaapekto sa sektor ng turismo.

Paliwanag ng kalihim na ang datos na ito ay nagpapakita na nalagpasan na ng pagrekober ng turismo ng PH ang pre-pandemic numbers.

Kaugnay nito, nananatili aniyang di natitinag ang commitment ng DOT para tiyakin ang pagtaas ng bilang ng tourism arrivals sa ating bansa.

Ipinaliwanag din ni Sec. Frasco na may ilang mga hamong kinaharap ang PH na nagresulta sa hindi pagkakaabot sa targeted projection na 7.7 million arrivals para sa 2024 matapos na maitala lamang ang 5.9 million arrivals sa nakalipas na taon.

Nang matanong naman ang kalihim kung nakaapekto ang pagbabawal ng POGO sa bansa sa turismo ng Pilipinas, sinabi ni Sec. Frasco na lubhang naapektuhan ang Chinese tourism market para sa Pilipinas dahil sa mga ipinataw na restriksiyon sa electronic visa sa mga Chinese tourist base na rin sa datos kung saan bumaba ang bilang ng Chinese tourists mula sa 1 million noong 2020 sa kasagsagan ng pandemiya sa humigit kumulang 300,000 Chinese tourists na naitala noong 2024.