-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tuluyang nasuspinde ang klase sa lahat ng lebel pati na ang trabaho sa pribado at pampublikong tanggapan sa probinsiya ng Agusan del Sur.

Ito’y sa gitna ng malakawang pagbaha na hatid ng patuloy na pag-ulan dahil sa umiiral na low pressure area na nasa bisinidad ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Base na rin sa inilabas na Executive Order (EO) No. 10 series of 2022 ni Gov. Santiago Cane Jr., epektibo ang suspensyon simula kahapon ng hapon hanggang sa hindi ito babaguhin.

Sa nasabing EO, tinatawagan ang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council-Agusan del Sur, Search and Rescue Agusan del Sur, municipal at barangay officials, government employees at iba pang indibidwal na susunod sa disaster protocols at sa minimum health protocols.

Sa ngayon, nasa 120 pamilya o kabuuang 488 indibidwal na ang inilikas sa municipal gym ng Barangay Poblacion sa bayan lamang ng Trento, Agusan del Sur at naka-avail na sa medical mission ng Rural Health Unit.

Magdamagan naman ang isinagawang rescue operation ng mga tauhan ng 1303rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion-13 sa ilalim sa pamumuno ni P/Cpt. Clyde Cajocson.