KALIBO, Aklan—Nananatiling suspendido ang klase at trabaho sa ilang tanggapan at establisyimento na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa bayan ng Mai Mahiu sa Nakuru county sa Kenya.
Ayon sa Kenyan na si Bombo International Correspondent Cynthia Onanda, hindi napaghandaan sa nasabing bayan ang pagkasira ng dam kung kaya’t hindi kaagad nakalikas ang mga residente.
Nakaabot rin aniya sa kanilang village sa capital city na Nairobi ang flashfloods kaya kasalukuyan silang namamahinga sa mga temporary camps na inilaan ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Onanda na pahirapan ang rescue at retrieval operation dahil sa mga nakatabon na makakapal na putik at nagsibuwal na malalaking punong kahoy kung saan, inaasahan pa ang maraming bilang na maidagdag sa mga nasawi dahil sa nangyaring kalamidad.
Dalangin aniya nila sa ngayon ay huwag nang umulan ng malakas dahil kapag walang humpay ang pagbuhos ng ulan ay kaagad na tumataas ang tubig sa mga ilog na dahilan ng pagkaapaw nito at nasira ang dam.