KALIBO, Aklan- Kinansela na ng Department of Education (DepEd) ang klase sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa Disyembre 3 sa buong lalawigan ng Aklan mula Preschool hanggang Secondary level.
Batay sa DepEd Order No.43, s. 2012 o Rules on the Cancellation or Suspension of Classes, otomatiko na kinakansela ang klase sa nasabing antas lalo na’t isinailalim sa Tropical cyclone warning signal number 2 ang buong lalawigan dahil sa epekto ng bagyong Tisoy.
Samantala, nanatiling suspendido ang biyahe ng Roll-on Roll-off (RoRo) vessel mula Caticlan, Malay papuntang Batangas gayundin papuntang Roxas at Oriental Mindoro and vice versa.
Sa kabilang dako, inabisuhan ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Aklan ang lahat ng Local Government Unit’s na kaagad ipatupad ang pre-emptive o forced evacuation sa lahat ng mga nakatira sa coastal areas kung kakailanganing lumikas ang mga ito.
Naka-red alert na rin sa ngayon ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO)-Aklan sa maaaring maging epekto ng nasabing bagyo lalo na’t inaasahan ang pagbuhos ng malakas na ulan na maaaring magdulot ng pagbaha.