TACLOBAN CITY – Suspendido ang lahat ng klase sa walong bayan sa probinsya ng Biliran dahil sa mga naitalang mga pagbaha dulot ng bagyong Jenny.
Partikular na rito ang bayan ng Cabucgayan, Almeria, Maripipi, Culaba, Caibiran, Kawayan, Biliran at Naval.
Ayon kay Atty. Raymundo Espina, municipal administrator ng Naval, Biliran patuloy pa rin sa ngayon na nararamdaman ang mga pag- ulan sa kanilang lugar na kung saan umaabot na sa mahigit 121.2 mm rainfall.
Kaugnay nito nakahanda naman ang Naval gym at mga evacuation centers para sa posibleng pag-evacuate ng mga residente sa naturang lugar.
Sa bahagi naman ng Leyte ay suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa bayan ng Tanuan at Babatngon, Leyte.
Dahil sa walang humpay na ulan ay may ilang serye na rin ng landslide ang naitala partikular sa mga bayan ng Naval at Biliran sa lalawigan ng Biliran at sa Leyte, Leyte.
Nananatiling unpassable naman para sa malalaking mga sasakyan ang Caray-caray bridge sa bahagi ng Naval, Biliran matapos itong bumigay dahil sa baha.
Lubog din sa baha ang limang barangays sa Leyte, leyte.
Sa ngayon ay patuloy ang babala ng mga otoridad sa mga residente na panatilihing mag-monitor sa kalagayan ng panahon at sumunod sa advisory ng mga kinauukulan upang makaiwas sa disgrasya.