VIGAN CITY – Aabot ng halos isang buwan ang idineklarang suspension of classes ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson dahil pa rin sa dumaraming bilang ng mga pasyenteng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Sakop ng class suspension na nakasaad sa pinirmahang executive order ni Singson ang lahat ng level o antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan.
Nagsimula ito kahapon at magtatagal hanggang sa April 12.
Kaugnay nito, hinihikayat ng gobernador ang publiko, lalo na ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at payuhang huwag lalabas ng bahay bilang bahagi pa rin ng precautionary measures ng lalawigan
Maliban sa klase, sinuspinde rin ng gobernador ang lahat ng mass gatherings sa lalawigan, kasama na ang graduation at completion ceremonies upang maiwasan ang person to person contact kaugnay sa COVID-19 outbreak.
Sa ngayon, nananatiling COVID- 19 free ang Ilocos Sur bagama’t mayroong anim na persons under investigation na naka-isolate ngayon sa Ilocos Sur Provincial Hospital–Gabriela Silang.