-- Advertisements --

LAOAG CITY – Sinuspinde ang klase sa Dingras National High School Poblacion Campus sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte matapos bulabugin ng bomb threat ang isa sa mga guro.

Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag kay Jaymark Dancel, guro sa nasabing paaralan, sinabi niya na ayon sa text message na natanggap ng kapwa niya guro ay papasubugin daw ang kanilang paaralan sa pamamagitan ng itatanim umano nilang bomba.

Dahil dito, agad nilang ipinaalam sa PNP at kay Dingras Mayor Jeffrey Saguid sa nasabing bayan at pinauwi nila ang mga estudyante.

Nagresponde naman agad ang mga pulis sa bayan ng Dingras, tauhan ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO), bomb squad at K9 dogs.

Sinabi pa ni Dancel na kahit silang mga guro sa nasabing paaralan ay pinagbawalan munang pumasok sa paaralan.

Matapos ang ilang oras na paghalughog ng mga otoridad sa buong paaralan ay nakumpirmang walang bombang nakatanim dito.