CAUAYAN CITY – Hindi pa bumalik sa normal ang klase ng karamihan sa mga mag-aaral sa Itbayat, Batanes dahil wala pa silang puwedeng gamitin na classroom.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Eduardo Escurpiso, schools division superintendent ng Department of Education (DepEd) Batanes sinabi niya na nagkaroon sila ng pag-uusap sa governor ng Batanes at mayor ng Itbayat tungkol sa pagbabalik na ng klase ng mga mag-aaral sa bayan ng Itbayat.
Aniya, napagkasunduan nilang babalik na sa normal ang klase ng mga mag-aaral sa nasabing bayan pangunahin sa dalawang paaralan na hindi labis na naapektuhan ng lindol.
Ang tatlong paaralan na hindi na talaga puwedeng gamitin ang mga classroom ay napagkasunduan nilang ang mga guro muna ang magtungo sa bahay ng kanilang mga mag-aaral.
Ayon kay Dr. Escurpiso, pansamantala lamang ito dahil kapag dumating na ang mga tulong na pansamantalang magagamit ng mga mag-aaral ay sisikapin nilang ibalik sa normal ang kanilang klase.
Aniya, naantala ang pagdating ng mga tulong para sa pagbabalik sa normal ng klase ng mga mag-aaral dahil sa hindi magandang lagay ng panahon.
Ayon pa kay Dr. Escurpiso, nakipag-ugnayan na sila sa regional at central office ng DepEd tungkol sa pagpapagiba sa tatlong paaralan sa Itbayat na hindi na puwedeng gamitin dahil sa malaking pinsala nang maganap ang lindol.
Ito ay upang makabuo na sila ng plano sa ipapalit sa mga paaralan.
Bumisita na aniya sa Itbayat ang Disaster Risk Reduction Team ng DepEd Central Office upang i-assess ang mga paaralan.