CENTRAL MINDANAO- Kinansela ni Mayor Joseph A. Evangelista ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa Kidapawan sa loob ng isang linggo.
Ginawa ng alkalde ang anunsiyo makaraang mabatid na hindi pa natitiyak ang kaligtasan ng mga mag aaral dahil nakakaramdam parin ang lungsod ng mga mahihinang mga aftershocks.
Ang kanselasyon ng klase ay epektibo Oktubre 4 at tatagal sa araw ng Biyernes.
Inatasan din ng alkalde ang mga school administrator na siyasatin ang integridad ng kanilang mga school building upang malaman kung ligtas parin bai tong gamitin sa pagbabalik paaralan ng mga estudyante.
Hindi na kasi papayagan ni Mayor Evangelista na magagamit pa ang mga classrooms na kiakikitaan ng mga malalaking mga bitak dahil panganib ang maaaring idudulot nito hindi lamang sa mga bata maging sa mga guro din.
Tiniyak ni Mayor Evangelista na tutulong ang lokal na pamahalaan para sa itatayong mga temporary school learning centers lalo na sa mga lugar na hindi na magagamit ang mga gusali dahil sa pinsala ng lindol.
Samantala, pinulong rin ng alkalde ang lahat ng mga guro at school principal’s ng Kidapawan City Division upang ipaalam ang nasabing alituntunin.
Tiniyak naman ni Schools Division Superintendent Romelito Flores na tatalima ang DepEd sa kautusan ng alkalde.