LEGAZPI CITY – Pinaghahanda na ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ang publiko sa inaasahang malakas na bagsak ng ulan sa mga susunod pang oras o araw.
Kasunod nito, sinuspinde ang pasok sa lahat ng antas sa lalawigan kasunod ng ipinaabot na impormasyon upang magsilbing gabay sa mga guro, magulang at estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APSEMO chief Dr. Cedric Daep, mula sa forecast ng PAGASA weather bureau ang abiso na pinabibilis ng nararamdamang sama ng panahon o Bagyong Falcon ang hanging Habagat sa bahagi ng lalawigan.
Direktang naapektuhan nito ang ikatlong distrito ng Albay dahil sa mabilis na pagkabuo ng mga cloud formation sa west coast.
Pinagbawalan naman ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat matapos itaas ang gale warning sa Albay, Sorsogon at Catanduanes dahil sa malalaking alon ng karagatan.
Sa mga lugar na tipikal na binabaha kung maulan, pinag-iingat ang mga residente sa posibleng flashfloods at pagguho ng lupa.