DAGUPAN CITY- Nag-anunsyo na ang lokal na pamahalaan ng syudad ng Dagupan ng suspensyon ng klase sa araw ng Miyerkules bunsod ng inaasahang epekto ng bagyong Jenny.
Base sa inilabas na executive order, idineklara ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim na suspendido ang klase sa lahat ng lebel bukas dahil sa inaasahang high tide at posibilidad na pag-apaw ng tubig sa Sinocalan River sa bayan ng Sta. Barbara.
Tiniyak naman ni Avenix Arenas, Spokesperson ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC Pangasinan na malayo pa sa spilling level na 280 meters ang San Roque Dam sa San Manuel, Pangasinan.
Ito’y paglilinaw aniya sa pangamba ng publiko sa posibilidad ng malawakang pagbaha dahil na rin sa nararanasang mga pag ulan dito sa probinsya dulot ng bagyong Jenny.
Ayon sa opisyal, regular ang kanilang ginagawang pagmomonitor at masasabi aniya niyang hanggang sa kasalukuyan ay normal pa ang lebel ng tubig doon.
Idinagdag pa ng PDRRMC na mayroong sinusunod na protocol ang pamunuan ng San Roque Dam na kailangang ipagbigay alam muna sa kanilang tanggapan kung kailangan ng magpakawala na ng tubig kasama na ang media advisory.