LAOAG CITY – Suspendido ngayong araw ang klase sa lahat ng level sa pampubliko at pribadong paaralan sa Ilocos Norte dahil sa pananalasa ng bagyong Ramon.
Ito ay upang masigurado ang kaligtasan ng mga mag-aaral dahil sa sama ng panahon.
Kagabi pa lamang ay nagdeklara na ang iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan na walang pasok ang mga mag-aaral ngayong araw.
Samantala, sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag kay Dr. Melvin Manuel, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa lungsod ng Laoag, sinabi niya na magdamag silang nag-monitor lalong-lalo na sa mga coastal areas para agad mailikas ang mga residente kung sakaling lumala ang sitwasyon.
Sinabi pa ni Manuel na kahit hindi masyadong malakas ang bagyo sa lalawigan kahit nanatiling signal number 2 ay dapat lamang na maging alerto ang mga mamamayan.
Dagdag niya na ayon sa Pagasa, medyo tumaas ang bagyo kaya hindi masyadong maapektuhan ang lalawigan.