DAVAO CITY- Kinumpirma ng isang opsiyal ng Department of Education XI na suspendido ang klase sa lahat ng lebel, pampubliko o pribadong paaralan man sa Davao de Oro.
Ito ay hindi dahil sa transport strike kundi ay dahil sa sunod-sunod na lindol na nangyari ngayong araw sa probinsya.
Ayon kay Jenielito “Dodong Atillo, tagapagsalita ng DepEd XI, na hindi muna magkakaroon ng face to face classes, bagkus magsasagawa muna ng Alternative Learning Modalities.
Kung maaalala, naging sentro ng lindol ang Davao de Oro noong nakaraang Pebrero 1, 2023 kung saan nakatala ng magnitude 6 na lindol.
Sa kasalukuyan, naglusad ng inspeksiyon ang lokal na gobyerno ng Davao de Oro kasama ang DepEd Engineers para kumustahin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga establisyimento.
Sa makatuwid, naglabas ng abiso ang Provincial Government ng Davao de Oro sa lahat ng paaralan na kanselahin na muna ang pasok sa lahat ng lebel.
Dagdag pa ni Atillo, kung sakaling di makayanan ng paaralan na maglunsad ng online class, maaari namang magkaroon ng modular scheme.
Sa ngayon, base sa record ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, umabot na sa mahigit 30 ang nangyaring lindol ngayong araw sa Davao de Oro kung saan ang pinakamalakas na naitala ay kaninang 4:43 ng madaling araw kung saan ang sentro nito ay sa New Bataan na nakatala ng magnitude 5.3.