Suspendido ang klase sa maraming eskwelahan sa Bicol Region dahil sa walang-tigil na pag-ulan.
Sunod-sunod na nagpatupad ng class suspension ang maraming lokal na pamahalaan sa naturang rehiyon ngayong araw, Pebrero 10 upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga estudyante at mga kaguruan.
Pinaka-apektado ang mga lugar sa probinsya ng Albay kung saan suspendido na ang klase sa lahat ng lebel sa Camalig, Legazpi City, Guinobatan, Bacacay, Daraga, Polangui, at Ligao City.
Sa Cataduanes, suspendido rin ang pasok sa lahat ng lebel sa Virac.
Posibleng mas maraming mga LGU pa ang mag-aanunsyo ng class suspension dahil sa tuloy-tuloy pa ring pag-ulan sa malaking bahagi ng naturang rehiyon.
Ngayong araw ay muling nahaharap sa moderate to heavy rain ang mga probinsya sa Bicol Region tulad ng Camarines Norte, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, at Sorsogon.
Ito ay katumbas ng 50-100mm ng tubig-ulan na maaaring maging dahilan ng biglaang pagbaha at biglaang pagguho ng lupa at malalaking tipak ng bato.