-- Advertisements --

ROXAS CITY – Hindi nagkaroon ng klase sa isang paaralan sa Roxas City matapos ang rockslide sa Barangay Barra.

Ipinagtaka ng mga magulang ng mga estudyante ng Barra Elementary School ang nakapaskil na mensahe sa labas ng gate ng paaralan na “Walang pasok ngayong araw, dahil delikado.”

Dahil dito ay pinuntahan ng Bombo News Team ang nasabing paaralan para malaman ang dahilan ng class suspension.

Napag-alaman na may nahulog na malaking bato mula sa lumambot na lupa na posibleng dulot ng malakas na pag-ulan kahapon.

Ayon sa isang trabahador na si Jolito Alama, nasa kasagsagan sila ng kanilang trabaho nang makarinig ng rumaragasang mga bato.

Dahil sa pangyayari ay nagdesisyon na lamang sila na pansamantalang itigil ang trabaho.

Samantala, sinimulan nang pukpukin ang ibang naiwang mga bato para hindi na malagay sa peligro ang buhay ng mga estudyante na ginagawang playing venue ang stage ng paaralan.