KALIBO, Aklan—Nakaalerto ang Philippine Coast Guard upang umalalay sa mga naglalayag sa karagatan patawid sa isla ng Boracay dahil sa malakas ang alon dala ng Bagyong Kristine.
Ayon kay Ensign Marvince Genzola, commander ng Coast Guard-sub station Boracay, nakaantabay ang kanilang buong pwersa at handang sumaklolo sa anumang emerhensiya kahit na pansamantalang sinuspinde ang lahat ng watersports activities gaya ng island hopping, scuba diving, helmet diving, paraw at iba pa para sa kaligtasan ng mga turista.
Nakatala rin ang coast guard ng ilang pasaherong stranded sa Caticlan Port sa bayan ng Malay, Aklan dahil sa pansamantalang itinigil ang byahe ng roll-on roll-off o roro vessel mula sa nasabing pantalan papuntang Batangas, Romblon at Mindoro bandang alas-5:00 ng hapon araw ng Martes.
Ngunit, kaninang madaling araw ay binawi na rin ang nasabing advisory at balik sa normal ang byahe ng lahat ng sakayang pandagat.
Samantala, halos suspindido na rin ang mga klase ngayong araw ng Miyerkules sa lahat ng levels both public and private schools dahil sa mga naranasang mahina hanggang sa may kalakasan na pag-ulan sa lalawigan ng Aklan.