-- Advertisements --

ROXAS CITY – Pansamantalang naantala ang klase sa Bayuyan Elementary School sa President Roxas, Capiz, matapos ang engkuwentro sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at tropa ng gobyerno.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Receliste ‘’Tanoy’’ Escolin, sinabi nito na agad siyang pumunta sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon mula kay Punong Barangay Rudolfo Botbot Estrella na may narinig silang serye ng putukan sa bukiring bahagi ng barangay.

Kaagad namang sinabihan ng alkalde ang principal ng nasabing paaralan na si Mrs. Sylvia Jawara na i-secure ang mga estudyante na nasa loob at ‘wag hayaang makalabas ng kanilang silid-aralan.

Ngunit hindi na maawat pa ng principal ang mga magulang ng mga mag-aaral na napasugod sa eskuwelahan upang sundian kani-kanilang anak sa gitna ng malalakas na putok ng baril.

Kinumpirma rin ng mga pulis na may sightings na sila ng NPA sa lugar ngunit hindi lamang matiyempuhan dahil pabago-bago ng lokasyon ang teroristang grupo.