-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mas maging alerto ang mga residente na malapit sa danger zones ng Bulkang Mayon.

Kasunod ito ng mga naoobserbahang aktibidad sa bulkan sa mga nakalipas na araw na may kaugnayan umano sa kasalukuyang Alert Level 2 status na nakataas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS director Usec. Renato Solidum, pinakababantayan nila ang klasipikasyon ng mga lindol na nangyayari sa palibot ng bulkan upang mabatid kung ano ang nagaganap sa ilalim.

Paliwanag ni Solidum, indikasyon ang high-frequency earthquakes sa bulkan sa pagkabasag ng mga bato sa ilalim upang maghanap ng madadaanan ang magma habang low-frequency quakes ang mismong galaw ng magma na umaakyat.

Binabantayan din aniya ang pagdami ng mga rockfall events at iba pang parametro sa nasabing bulkan.