Bigong makapagpasok ng puntos si 4-time NBA champion Klay Thompson sa kaniyang unang game bilang Dallas forward.
Sa naging laban sa pagitan ng Dallas Mavericks at Los Angeles Clippers, naglaro ang sharpshooter sa loob ng 21 mins ngunit sa wala ni isa itong naipasok na shot mula sa kaniyang siyam na attempts.
Tanging tatlong rebound at isang assist lamang ang kaniyang ambag sa Dallas na tuluyan ding tinalo ng Clippers sa score na 110 – 96.
Si Klay ay isa sa mga starter ng Dallas ngunit hindi niya nakasama ang ibang star ng koponan na sina Kyrie Irving at Luka Doncic na kasalukuyang nagpapahinga.
Samantala, nagpakitang-gilas naman ang bench ng Clippers na si Kevin Porter Jr. sa kaniyang 18 points 5 rebounds at anim na assists sa loob ng 19 mins na paglalaro. Bigtime double-double din ang ginawa ng sentro ng koponan na si Ivica Zubac na nag-ambag ng 12 rebounds at 11 points.
Sa Mavs, nagpasok ang bench na si Quentin Grimes ng 20 points habang 16 points ang naging kontribusyon ng starting guard na si Jaden Hardy.
Bagaman preseason pa lamang sa liga, ito sana ang unang pagkakataon na magkakasama sina Irving, Luka, at Klay, matapos nilang makuha ang Golden State Warriors legend sa nakalipas na offseason.
Si Klay ang may hawak sa ilang mga record sa NBA na kinabibilangan ng 37 points sa isang quarter at pinakamaraming 3-pointer(14) na naipasok sa loob ng isang game.
Nagawa niya ang mga ito habang nasa kasagsagan ang tagumpay ng Splash Brothers, ang tandem nila ni Warriors superstar Stephen Curry.