Nanguna ang NBA sa pag-welcome sa muling pagbabalik sa court sa isa sa itinuturing na pinakamatinik na 3-point shooter sa kasaysayan ng liga na si Klay Thompson ng Golden State Warriors.
Inabot din ng mahigit sa dalawang taon na nagpagamot at sumailalim sa rehabilitasyon si Thompson.
Sa buwena mano nitong laro nitong araw laban sa Cleveland Cavaliers, agad itong nag-trending sa buong mundo nang muli siyang nasilayan ng mga fans.
Isinabak kaagad ng Warriors sa starting five si Klay.
Hindi naman binigo ng 5-time All Stars at 3-time champion ang mga fans nang maipasok niya sa first half ang pamatay na 3-point shots kasunod ng ilang pagtatangka. Kasabay nito naibulsa ni Klay ang dalawang career milestones — ang mabilis na umabot sa12,000 points at 1,800 3-pointers.
Ang kanyang tinaguriang Splash Brother na si Stephen Curry ay hindi rin nagpabaya sa pangunguna sa opensa para agad na umarangkada sa kalamangan ang Warriors hanggang pagpasok sa fourth quarter at hindi na pinaporma pa ang Cavs.
Sinasabing ang pagbabalik ni Thompson ay lalong nagpaangat sa pagkilala sa Warriors bilang pinaka-deadly na koponan lalo na ngayong sila pa ang top team sa NBA.
Sa ngayon may kabuuang 30 panalo na ang Warriors makaraang ilampaso ang Cavs sa score na 96-82.