-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Dismayado ang grupong Kilusang Mayo Uno ng Panay Island kasunod sa pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Security of Tenure (SOT) Bill.

Ayon kay Spokesperson Charlie Ponclara, nagpapakita umano ito na tinalikuran ng punong ehekutibo ang hinaing ng mga manggagawang Pilipino na mawakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Isang pangako nanaman aniya ng kasalukuyang administrasyon ang napako dahil mas pinahalagahan nito ang mga kapitalista na nagpapalugmok sa mga mahihirap na manggagawa.

Tila nawala na parang bula ang ipinaglalaban ng mga naghihikahos na manggagwa sa naging pasya ng Pangulo.

Nabatid na ipinangako ni Pangulong Duterte sa kaniyang kampanya noong 2016 Philippine presidential election na wawakasan nito ang kontraktuwalisasyon sa bansa at sinertipikahan ang panukala bilang “urgent” noong nakaraang taon.