Hindi umano handa ang New York Knicks na mag-alok kay Kevin Durant ng isang maximun deal dahil sa mga agam-agam tungkol sa pagkapunit ng kanyang kanang Achilles tendon.
Batay sa ulat, dahil sa ayaw sumugal ng New York, nagtungo na lamang ang front office ng team sa Los Angeles upang makipagpulong sa ilang mga free agents gaya ni Julius Randle.
Dito ay nagkaroon na ng commitment ang Knicks at si Randle para sa isang tatlong taong kontrata na nagkakahalagang $63-milyon.
Matagal nang puntirya ng Knicks si Durant, na gumawa ng ilang mga trade ngayong taon upang masiguro ang kinakailangang salary-cap space upang makuha ito at isa pang superstar.
Gayunman, nagbago ang kanilang isip matapos ang injury ni Durant, na maaaring maging dahilan upang mawala ito sa kabuuan ng susunod na season.
Kaugnay nito, naglabas ng pahayag si Knicks president Steve Mills matapos ang pakikipagkasundo ni Durant sa Nets.
“While we understand that some Knicks fans could be disappointed with tonight’s news, we continue to be upbeat and confident in our plans to rebuild the Knicks to compete for championships in the future, through both the draft and targeted free agents,” saad ni Mills.