-- Advertisements --

Hawak na ng New York Knicks ang 2-1 lead laban sa Detroit Pistons matapos ibulsa ang Game 3 sa 7-game series ng dalawa, 118 – 116.

Hindi naging madali ang panalo ng Knicks dahil sa mahigpit na depensa ng Pistons at episyenteng comeback attempt sa 2nd half ng match.

Pilit kasing hinabol ng Pistons ang 13-point lead ng Knicks sa 1st half sa tulong ng episyenteng opensa (45% overall shooting).

Sa pagtatapos ng 3rd quarter ay bumaba na sa sampu ang 13-point deficit. Nagpatuloy pa ito sa 4th quarter, kung saan sa kalagitnaan ng huling quarter ay tanging tatlong puntos na lamang ang hinahabol ng Pistons, 104 – 101.

Dito na muling nag-regroup ang Knicks at ipinoste ang 4-0 run, tatlong minuto bago matapos ang naturang quarter, 108 – 101.

Hindi pa rin nagpatinag ang Pistons at hinabol muli ang Knicks hanggang sa maiposte ang score na 117 – 116, dalawang segundo bago tuluyang matapos ang laban, at hawak ng Knicks ang bola.

Sa pagpasok ng huling posession sa 2-sec mark, hawak ni Jalen Brunson ang bola ngunit agad siyang ginawaran ng free throw matapos siyang matapik ni Malik Beasley.

Isang free throw lamang ang naipasok ni Brunson sa kaniyang dalawang libre at napunta sa kamay ng Pistons ang bola. Gayunpaman, hindi na ito nagawang maipasok pa ng bagitong Pistons at tuluyang natapos ang Game 3 pabor sa Knicks.

Mananatili sa homecourt ng Pistons ang game 4 sa pagitan ng dalawang team.