Nagtala ng come-from-behind win ang San Antonio Spurs makaraang makabangon sila mula sa 21-point deficit upang masilat sa huli ang Oklahoma City Thunder, 100-95.
Una rito sa third quarter habang may 5:56 minuto pa ang natitira ay abanse pa ang Oklahoma sa 69-48.
Pero nahabol ito pagsapit sa fourth quarter ng dito na umeksena ng husto si Kawhi Leonard.
May kabuuang 27 points si Leonard.
Tinawag tuloy ni Spurs (58-17) guard Manu Ginobili ang kanilang nagawa na “great win.”
Nasayang naman ang big game ni Russel Westbrook para sa Thunder (43-32) na merong panibagong triple-double sa pamamagitan ng 32 points, 15 rebounds at 12 assists.
Kailangan na lamang niya ng dalawa pa para pantayan sa 41 na record ang NBA legend na si Oscar Robertson na inirehistro nito noon pang 1961-62 season.
Sa ibang game, nakaganti na rin ang New York Knicks upang ibitin ang muli sanang pamamayagpag ng Miami Heat matapos na talunin nila, 98-94.
Nagawa ito ng Knicks kahit wala sina Carmelo Anthony (back), Derrick Rose (knee) at Lance Thomas (hip).
Gayundin kahit wala na nasa contention sa playoff ang New York.
Halos abanse ang Knicks sa buong game sa pangunguna nina Kristaps Porzingis na may 22 points at si Courtney Lee na tumulong sa 20.
Sa fourth quarter ay nagawang maitabla ng Heat ng limang beses ang game, pero nandon pa rin ang Knicks na palaging may kasagutan sa kanilang mga tira.
Sa panig ng Miami nanguna si Goran Dragic na kumamada ng 22 points habang si Hassan Whiteside ay nagbuslo ng 17 at may 16 rebounds.
Aminado ang Filipino-American head coach ng Heat na si Erik Spoelstra na hindi kumagat ang kanilang mga three point shots.
Liban dito nakulangan din daw sila sa epektibong pagdepensa.
Sa kabila nang pagkatalo, nanatili sa ika-pitong puwesto sa Eastern Conference ang Heat (37-39) dahil ang No. 8 na Indiana (37-39) ay natalo sa Toronto.
Pero ang Miami at Pacers ay nasa kalahating laro lang ang abanse kumpara sa No. 9 na Bulls.