Isinusulong ngayon ng isang koalisyon sa transportasyon ang pagpapanagot sa mga Transportation Network Companies dahil sa umano’y hindi makatarungang kaltas na ipinapataw sa kanila.
Inirereklamo kasi ng United Transportation Coalition Philippines ang kanilang nararanasang ‘deduction’ sa mga nakukuha nilang tip kada byahe.
Ayon kasi sa mismong head ng koalisyon na si Gerric Asuncion, hindi na dapat bawasan ang mga nakukuhang tip ng mga driver dahil ito ay kusang loob namang ibinibigay ng sinerbisyohang pasahero.
Dahil dito, desididong panagutin ng naturang koalisyon ang mga kumpanyang ito na nakikinabang at nakikibahagi sa nakokolektang parte mula sa mga Transportation Network Vehicle Service providers.
‘Hindi na dapat bawasan yan, sa amin yan eh. Bigay ng pasahero yan out of generosity at nagustuhan ang serbisyo naming maganda. Hindi yan kailangan komisyonan, huwag niyong tanggalan ng komisyon dahil wala namang nasasabatas na pwede mong kunan ng komisyon ang tip,’ ani Gerric Asuncion ng United Transportation Coalition Philippines (UTCP).
Dagdag pa rito, kasama sa kanilang inirereklamo ay ang sistema kung papaano kinakaltasan ang mga driver na nakakakuha ng mga tip mula sa mga pasahero.
Aniya, isinasama kasi sa mismong fare ang kinukuhang komisyon ng kompanya sa kabuuang kita nito na mariin naman nilang tinutulan ng koalisyon.
‘Yung fare na babayaran ng ah pasahero, then kung ang pasahero ay magbibigay ng tip kasama dun sa fare, itino-total niya muna lahat kasama yung tip na ibinibigay ng pasahero tsaka niya kokompyutan nung pursyento niya as komsiyon so sumasama ngayon yung tip dun sa kinikomisyonan niya,’ pahayag pa ni Gerric Asuncion ng UTCP.
Kaya naman, inihayag ng naturang lider ng koalisyon na ang panawagang ito ay idinudulog na nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nang sa gayon ay magkaroon na ng isang konkretong standard guidelines na susundin ng lahat.