-- Advertisements --

Hiniling ng isang koalisyon ng mga guro kasama ang ilan pa na ipatigil ang implementasyon ng Republic Act No. 12116 o ang General Appropriations Act of 2025.

Kung saan mariing kinundena ng Teachers Dignity Coalition, Philippine Alliance of Human Rights Advocates at Freedom from Debt Coalition ang pagpapatupad sa itinakdang mga alokasyon sa gobyerno ng bansa.

Kasabay nito ang pagsusumite nila ng petisyon sa Korte Suprema ngayong araw upang isapormal ang kanilang hinaing sa pamamagitan ng writ for certiorari and prohibition.

Ayon sa National Chairperson ng Teachers Dignity Coalition na si Benjo Basas, inihain nila ang naturang petisyon sapagkat naniniwala silang may nilabag na mandato sa batas ang gobyerno matapos ang hindi nito paglaan umano ng pinakamalaking budget para sa edukasyon ng bansa.

‘Ito ay petition ano, para ipahinto ng Korte Suprema yung implementasyo ng GAA 2025 dahil nakikita namin na ito’y labag sa saligang batas… kakikitaan natin ng ilang mga paglabag in particular, paglabag sa mandato ng saligang batas na dapat yung edukasyon ang may pinakamalaking gugulin, pinakamalaking budget allocation pero hindi po ganun ang nangyari,’ ani Benjo Basas, Chairperson ng Teachers Dignity Coalition.

Matapos ang pagsusumite ng kanilang petisyon sa Korte Suprema, mariin pang iginiit ni Teachers Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas na mistulang pinaikot lamang ang ginawang budget allocation sa kagawaran ng Edukasyon.

Aniya’y ang nasa Department of Public Works and Highways pa rin ang may pinakamataas na alokasyon ng budget kung ikukumpara sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Ininirereklamo din nila ang nagging paglalagay sa budget ng Edukasyon pati ng Philippine National Police Academy, Philippine Military Academy, National Defense College at iba na kadalasan naman raw hindi isinasama.