Magkakasa ng rally ang koalisyon ng mga supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bukas, araw ng Sabado bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa araw ng Lunes, July 22.
Ayon kay Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng National Capital Region Police Office, nag-apply para sa permit ang “Hakbang ng Maisug” para magsagawa ng rally sa Liwasang Bonifacio.
Subalit paliwanag ni Gen. Nartatez na ang Liwasang Bonifacio ay isang freedom park kung saan maaaring isagawa ang political gatherings kahit na walang permits mula sa gobyerno.
Ayon pa sa NCRPO chief, inaasahang nasa 5,000 katao ang dadalo sa rally.
Inaasahan din ang mga iba’t ibang progresibong grupo at pro-government demonstrators na magsasagawa ng rally sa kasagsagan ng SONA.
Samantala, nadagdagan pa ng 1,000 personnel ang kabuuang bilang ng kapulisan at iba pang law enforcement unit ng pamahalaan na ipapakalat para tiyakin ang seguridad sa araw ng SONA kayat ito ay nasa 23,000 na ngayon.