Hindi rin makapaniwala at labis ang pagkagulantang ng ilang mga insiders at mga sports writers sa NBA sa biglaang pagpanaw ng basketball icon na si Kobe Bryant.
Magugunitang bumagsak ang S-76 chopper na sinakyan ni Bryant, anak nitong si Gianna, at walong iba pa sa bahagi ng Calabasas, California nitong Lunes ng madaling araw (oras sa Pilipinas).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ikinuwento ng sports columnist na si Homer Sayson na inakala niya na biro lamang nang unang makarating sa kanya ang malungkot na balita.
Ngunit nang nagsunod-sunod na umano ang natatanggap niyang mga text messages, agad niyang inutusan ang kanyang anak na kumpirmahin ang ulat.
Maluha-luha raw ito nang makumpirmang patay na ang NBA legend, na ilang beses niya ring nakadaupang-palad bilang isa sa mga nagko-cover ng mga laro sa liga.
“Ako, I’ve been through sa personal pains, nadaanan ko ‘yung namatay ‘yung tatay ko, anak ko. I’m not gonna say that the pain is the same but you have that peculiar [feeling] sa stomach na nakaka-sad lang,” wika ni Sayson.
Inilarawan din ni Sayson si Bryant bilang “media-friendly,” propesyunal at hindi maarte.
“That was Kobe Bryant was all about. He doesn’t discriminate kung [nagtatrabaho ka sa malaking network] or not. He just treated everybody equal,” ani Sayson.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nangyari bago ang malagim na aksidente.
Ang 41-anyos na si Bryant ay isa sa mga ikinokonsiderang greatest NBA players of all time kung saan humakot ito ng kabuuang 18 All-Star sa 20-taong karera nito sa Los Angeles Lakers.
Inakay din ng tinaguriang “The Black Mamba” ang Lakers tungo sa limang NBA championships, at itinanghal din ito bilang NBA Finals MVP ng dalawang beses, at league MVP noong 2008.
Nitong 2018 din nang magwagi si Bryant ng Oscar para sa kanyang short film na “Dear Basketball.”
Naulila ng mag-amang Bryant ang inang si Vanessa, at mga anak na sina Natalia, Bianca, at ang bagong silang na si Capri.