BACOLOD CITY — Ibinunyag ng isang sports analyst na kwalipikado ang NBA (National Basketball Association) legend na si Kobe Bryant sa 2020 Basketball Hall of Fame.
Nabatid na si Bryant na namatay kahapon ng madaling-araw dahil sa helicopter crash ay inanunsyo noong nakaraang buwan pa lamang na isa sa nominees para sa Hall of Fame 2020 class.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Atty. Ed Tolentino, naniniwala itong unanimous vote ang makukuha ni Bryant.
Una nang kinumpirma ni Hall of Fame chairman Jerry Colangelo na ang binansagang “black mamba” ang kanilang magiging first-ballot selection.
Samantala, tiwala rin si Tolentino na kahit kailan ay aalalahanin ng lahat ang legacy ni Bryant lalo na ang “mamba mentality” na nangangahulugang magpatuloy lamang bilang best version ng iyong sarili araw-araw.
Ayon kay Tolentino, ang mga nasimulan ng 41-year-old retired ay hindi lamang mananatili sa puso ng mga atleta kundi pati na rin sa mga ordinaryong tao.