Bumandera ang mga basketball legends na sina Kobe Bryant, Tim Duncan, Kevin Garnett at Chris Bosh sa listahan ng mga nominees para sa Naismith Memorial Basketball Hall of Fame.
Silang apat, na tumipon ng 13 NBA titles, 4 NBA regular season MVP, 5 NBA finals MVP awards at 59 All-Star game appearances, ay nanguna sa 50 indibidwal na ninomina ng North American Committee para sa enshrinement sa susunod na taon.
Iaanunsyo ang mga finalists sa All-Star Weekend na gaganapin sa Chicago sa Pebrero 14-16, habang ang Final Four ay ibubunyag sa Atlanta sa Abril.
Ayon kay Bosh, ikinararangal niya raw na maisama sa naturang listahan.
“My career ended earlier than expected and that hurt immensely,” wika ng dating Miami star. “To come to this point being nominated for the Hall of Fame with my heroes is truly an amazing feeling.”
Maliban sa apat, kasama rin sa mga pinangalanan sina Shawn Marion, Buck Williams, Mark Eaton at Michael Finley.
Kabilang din ang ilang mga players na na-nominate na noon ngunit hindi pa nakatipon ng sapat na boto para makapasok, gaya nina Tim Hardaway, Richard Hamilton, Chris Webber at Ben Wallace.
Samantala, nominado naman sa mga coach sina Rick Adelman, George Karl, Dick Motta at Rudy Tomjanovich.
Sa women’s side, napabilang sina three-time WNBA champion Swin Cash at 2012 WNBA Finals MVP Tamika Catchings, maging si San Antonio Spurs assistant coach Becky Hammon.