Inihahanda na ng legal team ng Kingdom of Jesus Christ ang mga asuntong ihaharap kay Police Regional Offcie 11 Regional Director BGen Nicolas Torre III at iba pang opisyal kasunod ng mahigit dalawang lingong operasyon sa compound ng naturang sekta.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty Israelito Torreon, kailangan aniyang panagutin ang lider ng mga pulis na nanguna sa mahigit dalawang lingong operasyon na naging dahilan ng iba’t-ibang mga problema.
Kabilang dito aniya ang isang namatay, halos 70 kataong dinala sa ospital, pagsira sa ilang properties, katulad ng simbahan sa loob ng compound,
Ayon sa abogado, hindi galit ang KOJC kay General Torre at alam umano ng mga ito na sinusunod lamang ng heneral ang utos ng kanyang mga opisyal.
Gayunpaman, kailangan aniyang harapin pa rin ng heneral ang patung-patong na kasong isasampa ng legal team.
Maalalang una na ring sinabi ni Gen. Torre na nakahanda ang Davao Region PNP na harapin ang mga asuntong ihaharap sa kanya kasunod ng mahabang operasyon sa loob ng compound.
Pero ayon sa heneral, hindi siya kalaban ng mga miyembro ng KOJC, bagkus tagapagpatupad lamang ito ng batas.
Kasunod ng pagkakahuli kay Quiboloy, sinabi ni Torre na umaasa siyang papasok na ang ‘time of healing sa pagitan ng PNP at mga miyembro ng KOJC.