Nananawagan ang legal counsel ng Kingdom of Jesus Christ na si Atty. Israelito Torreon kay Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Rommel Francisco Marbil na bigyan sila ng access na makapasok sa Jose Maria College basement.
Ito ay matapos umano nilang mapag-alaman na sa ika 11 araw ng paghahanap ng kapulisan kay Pastor Apollo Quiboloy ay bigo pa rin ang mga ito na mahanap ang pastor at ang pinaniniwalaang bunker sa Kingdom of Jesus Christ compound.
Sa isang pahayag ni Torreon, nasa 8 meters na raw ang lalim ng hinukay ng kapulisan sa basement ng JMC. Naninindigan si Torreon na ilegal na ang ginagawa ng kapulisan dahil ang anumang paghahanap na isinasagawa sa ari-arian ng isang tao ay posible lamang kung ang korte ay naglabas ng isang valid search warrant. Pero sa kasong ito aniya, makalipas ang 11 araw, na wala pang pag-aresto ay nagsasagawa lang daw ang PNP ng intrusive search sa mga ari-arian na hindi naman nakarehistro sa pangalan ng Akusado.
Binigyang diin ng abogado ng KOJC na ang butas na hinukay umano ng kapulisan sa JMC basement ay isang malaking banta at panganib sa stability ng gusali.