Ipinagdiinan ni Atty. Israelito Torreon na karapatan ni Kingdom of Jesus Christ(KOJC) founder Apollo Quiboloy na hindi lumabas sa kabila ng warrant of arrest na inilabas ng korte laban sa kanya.
Ayon kay Torreon, hindi si Quiboloy ang unang kaso na nagtago sa kabila ng warrant of arrest na kinakaharap.
Sinusunod lamang aniya ng kampo ni Quiboloy ang legal remedy na available sa ilalim ng batas ng Pilipinas kung saan maaari pa ring kwestiyunin ang nakitang probable cause na siyang naging basehan sa paglabas ng warrant. Maaari aniya itong gawin ng pastor ng hindi lumalantad o hindi lumalabas.
Inihalimbawa ni Torreon ang unang ginawa nina dating PNP Chief at Senator Panfilo Lacson, Dating Col. at Senator Gregorio Honasan, at iba pa.
Giit ng abogado, karapatan ng kanyang kliyenteng pastor na ipagpilitang siya ay inosente kahit na hindi lumalantad o hindi humaharap sa korte.
Hinamon din nito ang sinuman na maghain ng disbarment case laban sa kanya, kung mapatunayang hindi totoo ang sinasabi ukol sa karapatan ni Quiboloy.
Hinimok din ng abugado ang publiko na huwag kondenahin ang mga abugadong katulad niya na humahawak lamang ng kaso ng kanilang kliyente.
Aniya, kung sakali mang maharap ang sinuman sa katulad na kasong kinakaharap ni Quiboloy, maaaring mangailangan din ang mga ito ng abogadong katulad niya kinalaunan.