Nilinaw ni Sen. Koko Pimentel na hindi nagmula sa kanilang panig ang pagkaladkad kay presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, para usapin ng pagpili ng dadalhing kandidato ng PDP-Laban.
Ayon kay Pimentel, ang mga pahayag niya sa mga nakalipas na araw ay nakasentro kay Energy Sec. Alfonso Cusi at Atty. Melvin Matibag.
Giit nito, hindi niya isinasali sa internal na banggan ng kanilang partido ang isang outsider.
Una rito, pinuna ni Mayor Sara ang panig grupo ng kaniyang ama dahil sa paggamit daw sa kaniyang pangalan para sa mga isyu ng nagkakawatak-watak na PDP-Laban.
Ang alkalde ay merong sariling regional party na Hugpong Pagbabago.
“I don’t know why I am “being referred to” in paragraph 3. Look at all MY statements regarding the PDP LABAN issue. I have been addressing all my comments to Sec. Cusi and sometimes, to Atty. Matibag. This is an “internal” dispute. I never dragged an outsider into our internal dispute or blamed an outsider for the internal dispute or for causing the internal dispute,” giit pa ni Pimentel sa statement. “Our internal dispute has been caused by someone from the inside.”
Sa pahayag naman ni Ronwald Munsayac, executive director ng PDP-Laban, nais lamang daw itago ng grupo ni Sec. Cusi ang tunay nilang kandidato na si Mayor Sara upang maiiwas sa mga batikos ang alkalde.
Ayon pa sa statement ng Pacquiao-Pimentel group ng PDP-Laban, kanilang nakikita na ang Go-Duterte tandem ay maaring opisyal na mag-withdraw sa presidential at vice presidential race anumang oras mula sa filing of certificates of candidacy hanggang sa katanggahalian ng mismong election day.
Meron umanong utos sa makinarya at sa mga supporters na iboboto si Mayor Sara bilang presidente sa halip na ang pangulo.
Una rito, nilinaw din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakadepende pa rin kay Mayor Sara ang pagtakbo sa pagka-bise presidente ng Pangulong Duterte sa 2022 elections.
Inulit ni Roque ang sinabi ng pangulo na kung tatakbo si Mayor Sara bilang presidente ay “out” na ang Pangulong Duterte dahil hindi pupuwede ang Duterte-Duterte bunsod ng delicadeza.
Pero ibinulgar naman ni Duterte-Carpio na sinabi na mismo sa kanya ng ama na magiging ka-tandem ito ni Sen. Christopher “Bong” Go sa 2022 national elections.
Gayunman inamin ni Mayor Sara na hindi maganda at hindi niya nagustuhan ang naturang pangyayari.
“It was not a pleasant event,” ani Mayor Sara.