-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naisilbi na ng Commission on Higher Education (CHED)-Region 2 ang show cause order sa pamunuan ng kolehiyong nagsagawa ng face-to-face classes sa lungsod ng Cauayan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Julieta Paras, regional director ng CHED-Region 2, patapos na ang isinasagawa nilang pagsisisyasat na may kaugnayan sa pagsasagawa ng in-person classes ng isang kolehiyo sa Cauayan na kamakailan ay nakapagtala ng positibong kaso ng COVID-19.

Aniya, binibigyan na lamang ng 10 araw ang pamunuan ng kolehiyo para magpaliwanag bago pagpasyahan ang sanctions na ipapataw sa nasabing kolehiyo.

Ayon kay Paras, inamin ng pamunuan ng kolehiyo na nagsagawa sila ng face-to-face classes noong Agosto 29 at Setyembre 5.

Ani Paras, dahil sa pangyayari ay mayroong liability ang pamunuan ng kolehiyo dahil sa ginawang face to face classes na malinaw na paglabag sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Nilinaw naman niya na hindi pinapayagan ng CHED ang pagsasagawa ng ano mang face to face classes sa lahat ng paaralan sa buong rehiyon.