-- Advertisements --

Hiniling na ng Senate committee on justice and human rights sa Department of Justice (DoJ) na kolektahin na ang mga sinumpaang salaysay ng mga testigo sa isyu ng ninja cops o mga pulis na dawit sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Ayon kay Sen. Richard Gordon, mahalagang ma-secure na ang mga affidavit para umusad ang kaso kahit hindi na dumalo ang mga resource person sa bawat hearing, dahil na rin sa isyung pangseguridad.

Maliban dito, kung may hindi magandang mangyayari sa sinumang witness ay walang magiging epekto sa reklamo dahil hawak na ng DoJ ang testimonya ng mga ito.

Partikular na ibig ni Gordon na ma-secure ang affidavit ng mga barangay officials na nagsabing pinatakas ang drug personality na si Johnson Lee at pinalitan ng isang dayuhan na walang kinalaman sa kaso ng droga.

Maging ang mga pulis na nag-imbestiga sa pagkakasangkot ng kanilang mga kabaro ay dapat din umanong maingatan sa anumang banta sa kanilang buhay.