Karagdagang reklamo ang isinampa ni Executive Sec. Salvador Medialdea laban sa kolumnista at Special Envoy to China na si Ramon Tulfo.
Ayon kay Atty. Elvis Balayan, dalawang bilang ng reklamong libelo na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code at dalawang bilang na kasong cyber libel na paglabag sa ilalim ng Republic Act 10175 ang inihain ni Medialdea laban kay Tulfo.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang editor ng Manila Times kabilang na si Dante Ang, president at chief executive officer ng pahayagan; Blanca Mercado, chief operating officer; Nerilyn Tenorio, publisher-editor; Leena Chuna, news editor at Lynette Luna, national editor.
Isinampa ang reklamo sa Manila Prosecutor’s Office.
Personal na pinanumpaan ni Medialdea na tinaguriang ding “Little President” ang kanyang reklamo laban kay Tulfo, pero tumanggi siyang magpa-interview.
Ang reklamong libel ay nag-ugat sa malisyosong artikulo ni Tulfo sa Manila Times.
Dah dito, humihingi si Medialdea ng P80 million para sa moral damages, at P60 million para sa exemplary damagess
Noong July 20, sa kanyang colum ay idinadawit ni Tulfo si Medialdea sa umano’y katiwalian sa paghahanda para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games na gagawin sa bansa sa taong ito.
Kinuwestiyon ni Tulfo sa nasabing artikulo ang Memorandum Circular 56 na inisyu ni Medialdea na nag-aatas sa lahat ng government-controlled corporation para suportahan ang Philippine Southeast Asian Organizing Committee na inaakusahan niyang sangkot sa iskandalo bunsod ng umano’y overpricing na mga uniporme ng mga atleta.
Pinagbatayan din ni Medialdea sa kanyang reklamo ang artikulo ni Tulfo noong July 23 na may pamagat na “You will have your karma, Bingbong Medialdea.”
Dito ay pinuna ni Tulfo ang naunang libel complaint na inihain laban sa kanya ng opisyal.
Sa kaparehong column ay tinawag din ni Tulfo si Medialdea na “big fat liar” at inakusahan pa ginagamit ang kanyang kapangyarihan para manggipit ng mga mamamahayag.
Pero mariin naman itong itinanggi ni Medialdea.