Lumabas sa isang pag-aaral na hindi gaanong epektibo laban sa bagong Omicron variant ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) ang pinagsamang bakuna ng Sinovac at Pfizer.
Batay sa isinagawang pananaliksik ng mga researcher mula Yale University, Dominican Republic’s Ministry of Health, at iba pang institusyon, ang dalawang dose ng Sinovac vaccine at isang booster shot ng Pfizer vaccine sa isang tao ay hindi gaanong epektibo dahil ito ay gumagawa ng antibody response na katulad ng wo-dose mRNA vaccine.
Ang mga lebel ng antibodies laban sa Omicron variant ay “6.3-fold” na mas mababa kung ikokompara sa ancestral variant, at mas mababa rin ito ng 2.7-fold kung ihahambing naman sa Delta variant.
Sa kanyang tweet ay sinabi ni Akiko Iwasaki, isa sa authors ng naturang pag-aaral, na ang mga inibidwal na nakatanggap ng CoronaVac ay maaaring mangailangan ng dalawa pang karagdagan na booster doses upang makamit ng mga ito ang “protective levels” na kinakailangan ng katawan upang malabanan ang Omicron.
Hindi rin nagpakita ng neutralization kontra sa nasabing bagong variant ang dalawang doses ng Sinovac vaccine batay sa hiwalay na pag-aaral ng Dominican Republic.
Sinasabi naman sa hiwalay din na pag-aaral ng ilang researchers mula Hong Kong, na maging ang tatlong doses ng Sinovac vaccine ay hindi makakagawa ng sapat ng antibody response laban sa Omicron kung kaya’t kinakailangan pang makatanggap ng booster ang isang tao ng Pfizer-BioNTech shot upang makamit ng katawan nito ang protective levels laban sa bagong variant.
Ang CoronaVac ng Sinovac at ang BBIBP-CorV vaccine ng state-owned na Sinopharm ay ang dalawang pinakaginagamit na bakuna sa China at ang nangungunang mga bakuna laban sa COVID-19 na na-export ng bansa.