-- Advertisements --

Sumakabilang buhay na ang host-comedian si Chokoleit sa edad na 46-anyos.

Kinumpirma ng talent agency ni Chokoleit o Jonathan Aguilar Garcia sa tunay na buhay ang nasabing balita.

Batay sa ulat, nagtatanghal umano ang komedyante sa isang event sa Kawayan Festival sa lalawigan ng Abra.

Sa kasagsagan umano ng kanyang pagtatanghal ay kapansin-pansin umano na hinahabol na nito ang kanyang hininga.

Matapos umano nitong mag-perform ay lalo na raw itong nahirapang huminga kaya agad itong isinugod sa Abra Provincial Hospital.

Doon naman na ito binawian ng buhay dahil sa cardiac arrest.

Kaugnay nito, nagpaabot kaagad ng kani-kanilang mga pakikiramay ang ilan sa mga kaibigan ni Chokoleit, gaya ng mga kapwa nitong komedyanteng si Vice Ganda, Candy Pangilinan, at si Vhong Navarro.