TACLOBAN CITY – Ilang mga aktibidad ang isinagawa ngayon sa Balangiga, Eastern Samar kaugnay sa ika-121 taong komemorasyon ng Balangiga Encounter.
Ayon kay Fe Campanero, ang assistant municipal tourism operations officer ng Balangiga, Eastern Samar, matapos ang dalawang taong pagkakasuspende sa face-to-face commemoration, ngayong taong ito ay nakapagsagawa na sila ng mga activities kaugnay sa komemorasyon at hindi lamang ang bayan ng Balangiga kundi maging ang iba’t ibang mga LGUs ay nakibahagi sa nasabing pag-gunita.
Dagdag pa nito, naging highlight sa kanilang commemorative program ang dance drama na mistulang pagsasadula o reenactment sa nangyaring madugong Balangiga massacre, 121 taon na ang nakakalipas.
Nagkaroon rin ng parada at float contest na nilahukan ng iba’t ibang mga munisipalidad sa nasabing probinsya.
Ayon sa kasaysayan, nangyari ang Balangiga Encounter o tinatawag rin na Balangiga Massacre, noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano kung saan nagsimula ito nang matagumpay na maisagawa ng mga Pilipino ang kanilang surpresang pang-aatake kung saan mahigit 40 mga sundalong Amerikano ang napatay. Ginamit ng mga Pilipino sa pangunguna ni Captain Valeriano Abanador ang Balangiga bells bilang hudyat ng kanilang surpresang pang-aatake.
Ito ang ikinokonsiderang worst single defeat ng Amerika kung kaya’t sa madugong paghihiganti nito libo-libong mga Pilipino ang kanilang pinatay noong taong 1901, Setyembre 28.
Bilang war booty o war trophy, tinangay ng mga Amerikano ang tatlong Balangiga bells ngunit matapos ang 117 taon, noong December 2018 naibalik naman ang nasabing mga kampana matapos itong ipanawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of Nation Address noong 2017.