DAVAO CITY – Umani ng samu’t saring komento ang muling mensahe ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio sa kanyang social media account kung saan kanyang pinaninindigan na wala nga itong plano na kumandidato pagka-pangulo sa 2022 election.
Ayon sa alkalde, masakit sa kanyang damdamin na hindi niya mapagbigyan ang kahilingan ng kanyang nga kaibigan ngunit pinaninindigan nito na gusto muna niyang tapusin ang kanyang huling termino.
Kung maalala, maliban sa mga supporters ay umaasa rin ang kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte na magbabago pa ang desisyon ni Mayor Inday lalo na at naniniwala itong may kakayanan ang alkalde na magpatuloy sa kanyang mga nasimulan sa gobyerno.
Samantalang kasabay ng pagsara ng filing of certificate of candidacy (COC), walang indibidwal na pumunta sa Commision on Elections (Comelec) Davao para mag-withdraw sa kandidatura ni Mayor Inday bagkus ay mga local candidates lamang ang nagsumite ng kanilang COC.
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga supporters ni Mayor Inday lalo na at may substitution pa naman daw sa Nobyembre 15 nitong ang taon at malaki pa rin ang posibilidad na magbabago raw ang desisyon nito.