Bumuo ng isang komite si Ombudsman Samuel Martires na mag-iimbestiga sa mga sexual harrasment cases na inihahain sa naturang ahensya.
Batay sa Administrative Order No. 2 na nilagdaan noong Hulyo 27, 2020, nakasaad dito na magkakaroon ng Committee on Decorum and Investigation (CODI) ang bawat Office of the Ombudsman sa Quezon City, Visayas at Mindanao.
Kasama na rito ang Central Office, Office of the Special Prosecutor, Office of the Ombudsman for Luzon, Office of the Ombudsman for the Military, at iba pang law enforcement offices.
Base rin sa kautusan, maituturing na sexual harassment ang physical, verbal o sa pamamagitan ng kahit anong uri ng bagay. Maaari rin itong gawin sa pamamagitan ng teknolohiya, tulad ng text messages at electronic mail.
Nagaganap din ang harassment kahit sa lugar na pinagtatrabahuhan, tulad na lang din ng trainings, seminars, official business transaction o office-related gathering.
Maaaring tumanggap ang CODI ng reports patungkol sa sexual harrassment, magsagawa ng clarificatory hearings, at magbigay din ng suporta sa mga biktima o counseling services. May kakayahan din ang naturang komite na irekomenda ang isang reklamo sa nararapat na ahensya upang mabigyan ito ng karampatang aksyon.
Ang utos na ito ng Ombudsman ay nagmula sa Republic Act No. 11313 o mas kilala bilang “Bawal Bastos Law” na magpapataw ng parusa sa mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa catcalling, sexist slurs, stalking at cyberstalking.
Ayon sa batas kasama sa maituturing na sexual harassment ang pag-upload o pag-share sa social media ng kahit anong impormasyon na naglalaman ng larawan, boses, o video na may sexual o sexist content at walang pahintulot mula sa biktima.
Parurusahan din sa ilalim ng naturang batas ang invasion of privacy sa pamamagitan ng cyberstalking at pagbabanta gamit ang misogynistic, transphobic, homophobic o sexist remarks na gagawin online kahit pa public o private message ito.
Saka lamang ipapadala kay Martires ang magiging desisyon ng CODI para magbigay ng kaniyang final action.
Ang sinomang mapapatunayang sangkot sa sexual harassment ay maaaring suspendihin o tanggalin mula sa kanilang tungkulin o posisyon.
Kaugnay nito, ay nagpahayag na noon pa si Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang unang tatalima sa “Bawal Bastos Law.”