Patuloy na pangangasiwaan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang paghahanda para sa gaganapin na biennial meet, ito ay ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez.
Sa meeting, kasama si Sen. Bong Go, pinabulaanan nina PHISGOC chairman Alan Peter Cayetano at Ramirez ang mga alegasyon ukol sa korapsyon na nagbunga umano sa planong pagbuwag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PHISGOC.
“There is no truth to the allegation of corruption,” wika ni Ramirez sa isang panayam.
Dagdag niya na sa ngayon ay lahat ng kabilang sa kanilang samahan ay nagkakaisa na sa “ilalim ng isang liderato.”
“Yesterday, [Taguig City-Pateros Representative] Alan Peter Cayetano, and myself sat down with Sen. Bong Go and Executive Secretary Salvador Medialdea to sort out issues being reported by news outfits in the past days,” pahayag ni Ramirez.
Ang mga pagbabagong ito ay nangyari lamang ilang araw matapos kumpirmahin ng Malacañang na nais ilipat ni Pangulong Duterte ang responsibilidad ng pangangasiwa ng 2019 SEA Games sa gobyerno, makaraang akusahan ng korapsyon ang PHISGOC.
Nangunguna ang PHISGOC sa preparasyon sa regional event na gaganapin sa ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-11 ng Disyembre, ngunit lumutang kamakailan ang mga report ng hinihinalang kurapsyon sa loob ng pribadong organisayon.
Umano’y pumasok sa mga kahina-hinalang transaksyon ang PHISGOC, gaya ng overpriced training uniforms galing sa sports apparel company na Asics.
Sinabi naman ni PHISGOC Executive Director Ramon Suzara na kahit magbago ang pamunuan ay hindi nito maapektuhan ang hosting preparations.
“We assure the athletes and the general public that all decisions and transactions will be done with utmost transparency,” saad pa ni Ramirez.
“The PSC, through the guidance of the Department of Budget Management and assistance of the Procurement Service shall work together to ensure that public funds are protected and that all disbursements or expenses follow existing government rules and laws,” wika pa ng opisyal.